(Kuha mula sa Sibonga WCPD/ Sibonga Police. Public Photo) |
GOODVIBES - Tinulungan ng isang ligaw na aso ang isang bagong silang na sanggol na inabandona sa isang dumpsite sa Sibonga, Cebu, sa pamamagitan ng pagkuha ng atensyon sa isang dumaang rider.
Para sa kanyang kabayanihan, inaasahan ng mga netizen na may kumupkop o mailigtas ang aso bilang gantimpala.
Bandang alas onse noon ng umaga ng Disyembre 24, nang dumaan si Junrell Fuentes Revilla sa dumpsite sa bundok ng barangay Magkagong nang sinimulang habulin siya ng isang ligaw na aso.
Bagama't tumahol at hinabol ng aso ang kanyang motorsiklo, ay hindi ito naging agresibo. Sa katunayan, ay nakaramdam si Revilla na may sinusubukang sabihin sa kanya ang asong gala.
Dahil sa pagtataka ng pinakitang ugali ng aso, huminto si Revilla at sinundan ang aso na tumakbo na tila ba'y pinapasunod siya, at doon niya narating ang isang madamong lugar sa dumpsite. Nagulat si Revilla ng makita niya ang isang sanggol na nakabalot sa isang tuwalya.
Agad-agad naman na nag-imbestiga ang Sibonga PNP sa pangyayari sa ilalim ni ACOP PMAJ Jomar Anoba Medil kung saan ay ginawa nila ang isang ocular inspeksyon sa lugar habang ang bata naman ay dinala sa ospital para sa pagsusuri at posibleng treatment.
Sinabi ni Police Master Sergeant Venus Tampos ng Sibonga Police Women and Children Protection Desk (WCPD) na ang bagong panganak na sanggol ay isang batang lalaki na mayroon pang nakakabit na umbilical cord at nakabitin sa pusod nito. Natagpuan nila ang inunan ng sanggol na nakabalot sa loob ng isang itim na plastic bag na itinapon sa tabi ng bata.
Nananawagan ang mga awtoridad sa mga magulang ng bata, lalo na ang ina, na tanggapin ang responsibilidad sa sanggol. Itinurn-over na na ng pulisya ang bata sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Pinupuri naman daw ngayon ang itim na ligaw na aso bilang isang lokal na bayani. Isa lamang ang aso sa mga 5 hanggang 6 na mga aso na madalas sa dumpsite na naghahanap ng pagkain. Inaasahan ng mga netizen na may kumupkop sa bayaning aso bilang gantimpala sa kanyang kabayanihan. iTacloban