(Larawan mula sa News5) |
NEWS — Nasawi ang isang senior citizen habang nakapila sa isang community pantry na inorganisa ng artistang si Angel Locsin sa araw ng kanyang kaarawan, Abril 23.
Ayon sa barangay official, kinilala ang biktima na si Rolando Dela Cruz na nahimatay muna at naidala sa isang hospital ngunit dineklarang dead-on-arrival.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang community pantry ni Locsin kung saan libu-libong tao ang dumagsa para makakuha ng libreng supplies at pagkain. Inspired daw ang nasabing pantry sa Maginhawa Community Pantry.
Patuloy ang pagsulpot ng mga community pantry sa iba't-ibang lugar sa bansa simula ng magviral ang Maginhawa Community Pantry ni Patricia Non sa Quezon City.
Sa Malolos, Bulacan, nakalikom ng pondo ang mga kabataan para mag-umpisa ng kanilang pantry.
Sa Tabaco City, Albay, iba't ibang klase ng gulay ang makukuha sa kanilang community pantry.
Habang sa Cagayan de Oro ay sinumulan naman ni Rene Principe, isang physics instructor sa UP Diliman, ang community pantry para sa mga kapos.
Nakarating naman sa Tacloban City ang iba't-ibang community pantry ng mga lokal na organisasyon na naglalayun na makatulong sa mga apektado ng pandemya.
Pinapayuhan naman ng mga awtoridad ang mga nag-oorganisa ng mga community pantry na panatilihin ang health at safety protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 dahil posible na ang bukas-loob na pagtulong ay maging dahilan pa sa labis na paglaganap ng nasabing sakit.
— Tacloban News Update (with reports from ABS-CBN and NEWS5)
Tags:
NATIONAL