Kuha ni Tin Barredo (top left, bottom left) at file photo ng Robinsons North Tacloban.) |
TACLOBAN CITY — Trending ngayon sa social media ang bagong modus ng mga kawatan sa Tacloban City na ibinahagi ng dalawang netizen noong Mayo 1. Ayon sa kanila, nangyayari umano ang nasabing modus sa mga pampublikong sasakyan at sa isang shopping mall.
Basahin rito ang binahagi ni Tin Barredo noong Sabado, Mayo 1:
"Noong Biyernes ay may nakasakay ako sa isang multicab na ang ruta ay Tagpuro. Huminto naman panandalian ang multicab para kumuha ng mga pasahero. Nakaupo ako malapit sa may pintuan ng sasakyan sa kanang parte nito at doon ay may sumakay na dalawang lalaki at iba pang mga pasahero.
Umupo yung dalawa sa tabi ko, bali na sa gitna ako nila. At noong malapit na sa Mabuhay [road] ay may naramdaman ako na may mga daliri na pilit kumakapkap sa bulsa ng aking saruwal. Agad ko naman tinignan ito at biglang umayos sa pagkakaupo ang lalaki sa tabi ko at doon nakita ko na ginagamit niya ang bag niya para maitago ang mga kamay niya na handang magnakaw.
Nakaramdam naman ako ng takot ngunit hindi ko pinahalata at sa halip ay tinago ko ang aking cellphone at kumuha ng pamasahe sa bag para bumaba na lamang."
Dagdag naman ni Barredo na sinubukan niyang kunan ng larawan ang dalawa ngunit malayo na daw siya at hindi na niya ito nakuhanan ng malinaw. Nagbabala naman siya na mag-ingat dahil muli nanamang nagbabalik ang mga dating gawain ng mga masasamang loob sa Tacloban City.
"Ini la pagpasabot na nabalik na lwat an dati ni na mga buruhaton ngan ginpapag ikmat kita tanan yana. Kun nabubuhat ini nira it adlaw,ano pa daw la it gab-i. (Babala ito na bumalik nanaman ang dating gawain [ng mga masasamang loob] at pipag-ingat ang lahat sa panahon ngayon. Dahil kung kaya nila itong gawin sa umaga, paano pa kung gabi,)" sulat ni Barredo sa kanyang Facebook post.
Related: Mga nagpapanggap na delivery rider para makapang scam, bistado
Sa isang post naman, ay binahagi ng netizen na si Trixia Celebrado ang nangyari sa kanya sa isang shopping mall sa Tacloban.Ayon sa kanya, nabiktima siya ng isang grupo ng mga magnanakaw sa loob mismo ng mall kung saan ay bibili sana siya ng groceries. Habang may inaabot na de lata si Celebrado ay agad naman daw na may mga taong lumapit sa kanya para kumuha rin ng de lata at doon niya naramdaman na may humatak sa kanyang bag.
Agad naman niyang hinablot ang kanyang bag ngunit huli na at doon niya nalaman na nawala na ang kanyang pitaka na may laman na pera kasama na rin ang kanyang atm card.
Mabilis naman daw umano na nakuha ang laman na pera sa kanyang atm card dahil ginamit ito sa isang online game. Pinablock naman agad niya ito at nakita sa pamunuan ng bangko na nagkaroon ng napakadaming transakyon online ang kanyang atm card at tatlong libo na ang nakuha mula dito.
Nag-file naman agad siya ng blotter sa nangyari at doon niyang napag-alaman na hindi siya ang pinakaunang biktima ng modus na ito ng mga kawatan sa nasabing mall.
Pinayuhan naman ni Celebrado na mag-ingat ang lahat dahil hindi lahat nang lugar ay ligtas kahit pa nasa loob ka ng isang mall. —Tacloban News Update