Nagkaroon ng cardiorespiratory arrest ang binata na naging dahilan para mabawian ito ng buhay sa loob ng isang bus habang bumabyahe pauwi sa kanila. Photo: Joshua Montajes/Facebook |
TACLOBAN CITY - Isang binata ang biglang binawian ng buhay habang bumabyahe papunta sa Sogod, Southern Leyte, at sakay ng Davao Metro Shuttle Bus na galing sa Ormoc City Terminal, kahapon ng pasado alas-10 ng umaga, Abril 29, 2022.
Ayon sa isang police report na inilathala ng Ormoc News and Updates (OrmocNU), kinilala ng mga kapulisan ang binata na si Rio Quiban Gerandoy, 18-anyos at residente ng Brgy. Himay-angan, Liloan, Southern Leyte.
Dagdag pa sa imbestigasyon ng kapulisan sa Baybay City Police Station, lumabas sa resulta ng otopsiya na ginawa ng Baybay City Health Office sa patay na katawan ni Gerandoy na nagkaroon ng Cardiorespiratory Arrest ang binata dahil sa isang severe chronic illness at naging dahilan sa biglaang pagpanaw niya.
Ayon pa sa OrmocNU, wala namang nakita na mga external injury sa patay na katawan ng binata.
Sinabi naman ni PCpl. Teofilo Versoza, imbistigador ng Baybay City Police Station, na wala silang nakita na kahit na anong indikasyon na may foul play sa naturang pangyayari.
Binulgar naman ng ina ni Gerandoy na si Ruth Quiban, na naghihintay sa kanyang pagdating, na ang kanyang anak ay may dinadamdam na sakit sa tiyan bago pa man ito bumyahe para umuwi sa kanila.
Mga alas-10:40 ng umaga, ng pinasakay sa isang bus si Gerandoy ng kanyang kamag-anak. Aalalayan sana siya na samahan sa biyahe ngunit sinabi ng binata na kaya niya na bumyaheng mag-isa.
Noong nasa Balugo, Albuera, Leyte na ang bus ay napansin ng drayber na si Ferlin Aberca na nanghihina ang binata, kaya napagdesisyonan niya na idaan siya sa Baybay City Immaculate Conception Hospital (ICH) ngunit dineklara itong dead-on-arrival ng attending physician na si Dr. Christine Baldevia.
Kumbinsido naman ang pamilya na ang sakit na dala niya ang dahilan ng pagkamatay ni Gerandoy. Nasa Baybay City Immaculate Conception Hospital din sila at iuuwi ang bangkay ni Gerandoy sa Liloan, So. Leyte. —Tacloban News Update (Source: OrmocNU)